Saturday, November 04, 2006

Sa Pagsusulat

"Sa lahat ng naisulat and tanging gusto ko ay ang naisulat ng tao sa sarili niyang dugo. Magsulat sa dugo at iyong mararanasan na ang dugo ay kaluluwa." - Nietzsche

Matagal ko nang nais magsulat - isa-tinta sa papel ang aking nasaisip, saloobin, ideya at karanasan. Ngunit nahihirapan akong isa-titik ang aking nasasaisip, nararamdaman at nararanasan. Isang dahilan nito ay pakiramdam ko wala akong angkop na kakayahang ihayag ng lubusan ang aking sarili sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga salita ay tila hindi rin makasabay sa daloy ng pang-araw-araw at ito'y nakakabagot sa akin.

Isang paraan na aking naisip ay ang lumingon sa nakaraan sa halip na sumabay sa kasalukuyan. Ang pagsusulat tungkol sa isang bagay na matagal nang nakaraan ay hindi makatutulad sa pagsusulat tungkol dito habang ito'y nangyayari o kaagad pagkatapos. Ngunit isa pa rin itong kwento, isang pagsasalarawan ng aking nasasaisip, nararamdaman at nararanasan.

Ito ang aking nais gawin dito. At harinawa, sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, maaari kong tulaying ang pagitan sa paglingon sa nakaraan, pagsabuhay sa kasalukuyan at pag-asa sa kinabukasan.